Artikulo

Paano nahahawaan ang mga tao

Nagkakaroon ng dengue ang mga tao sa pamamagitan ng kagat ng isang lamok na nahawaan at nagtataglay ng dengue virus. Tinatawag na aedes aegpyti ang partikular na uri ng lamok na ito at kadalasang nagdudulot ng dengue infection.1

Sinisipsip nito ang iyong dugo, na kanilang kailangan upang makapangitlog. Pinaka-aktibo ang mga lamok na Aedes mula umaga hanggang bago ang paglubog ng araw. Maaari silang manirahan sa loob at labas ng ating mga tahanan

Kapag nakakagat ang lamok ng isang taong mayroong dengue, napapasa sa lamok ang dengue virus, naglalakbay patungo sa tiyan nito at kumakalat sa iba pang bahagi ng katawan, kabilang na ang bibig. 

Pagkaraan ng isang linggo, ganap nang mahahawaan ng dengue ang lamok at mayroon nang kakayahang makapagpasa ng virus sa susunod na makakagat nito. Ang laway ng lamok na may dengue ang pinagmululan ng virus.2

May iba pang paraan na maipapasa din ang dengue. May ebidensya na maaaring magpasa ng virus ang nagdadalang-tao sa kanyang sanggol sa panahon ng pagbubuntis o habang nanganganak. Bagaman napakabihira, maaari ring kumalat ang dengue sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo, organ transplant o needle-stick injury.3

Ang kagat ng lamok ang pinakakaraniwang sanhi ng dengue, kaya’t mahalagang magsagawa ng mga hakbang upang maiwasan ito.2

Upang matiyak kung mayroon kang dengue, kumonsulta sa iyong doktor o healthcare professional. 

Sanggunian
  1. World Health Organization. Ang dengue at ang malubhang uri nito. Available sa: https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/dengue-and-severe-dengue. [Na-access noong Enero 2022]. 

  1. Scitable by Nature Education. Transmission ng Dengue. Available sa: https://www.nature.com/scitable/topicpage/dengue-transmission-22399758/. [Na-access noong Agosto 2021].

  1. Centers for Disease Control and Prevention. Transmission. Available sa: https://www.cdc.gov/dengue/transmission/index.html. [Na-access noong Marso 2022].