Artikulo

Bakit dumarami ang mga kaso ng dengue?

Ang dengue ang pinakamabilis na kumakalat na sakit na dala ng lamok sa mundo. May 30 beses na mas maraming kaso na nakikita ngayon kumpara sa nakaraang 50 taon.1

Dumadami ang kaso ng dengue dahil sa aktibidad ng tao.  

Ang mga lamok na Aedes, na maaaring magpadala ng dengue virus, ay lumalago sa mga lugar kung saan nakatira ang mga tao. Sa nakalipas na 20 taon, lumawak at nadagdagan pa ang bilang ng mga barangay, bayan, at lungsod, partikular sa Asia at Latin America.2

Ang urbanisasyong ito ang isa sa mga dahilan sa pagdami ng mga lugar na naiipunan ng tubig at pinangingitulugan ng lamok. Nagdudulot din ito ng overcrowding kung saan mas maraming tao ang naninirahan sa isang lugar kaysa sa inaasahan. Dahil sa overcrowding, mas maraming tao ang ang maaaring makagat ng lamok at maging biktima ng dengue.2

Maaari ring magdala ng dengue virus ang mga taong galing sa ibang lugar o bansa.3 Dahil sa modernisasyon ng transportasyon at turismo, mas mabilis nang nakapaglalakbay patungo sa ibang lugar o bansa na maaaring magbigay-daan sa pagkalat ng sakit dengue.

Kasunod ng malaria, ang dengue ang pangalawa sa pinakakaraniwang sanhi ng lagnat sa mga manlalakbay na nagkakaroong ng sakit.3

Maaari ring maglakbay ang mga itlog at larva ng lamok sa pamamagitan ng mga bagahe, paninda o kagamentong naiipunan ng tubig at ipinadadala sa ibang lugar o bansa Ilan sa halibawa nito ang mga gulong at kawayan.2,3     

Habang tumataas ang temperatura ng buong mundo dahil sa climate change, mas lumalawak din ang mga lugar na maaaring na maaaring tirahan at pangitlugan ng mga lamok. 

Ang Aedes aegypti ang uri ng lamok na karaniwang nagpapakalat ng dengue. Nangangailangan ang mga ito ng mas mainit na temperatura upang mabuhay at dumami. Bukod sa Aedes aegypti, maaari ring magdulot ng dengue and Aedes albopictus. Maaaring mabuhay at magpalaganap ng sakit ang mga lamok na ito sa mga lugar na mas malamig ang temperatura tulad ng US at Europe.2,3 

 

Sanggunian

1. World Mosquito Program. Dengue. Available sa: https://www.worldmosquitoprogram.org/en/learn/mosquito-borne-diseases/dengue. [Na-access noong Marso 2022].  

2. Simmons, CP. et al. N Engl J Med. 2012;366:1423-1432. Available sa: https://www.nejm.org/doi/full/10.1056/NEJMra1110265.[Na-access noong Marso 2022].   

3. World Health Organization. Ang dengue at ang malubhang uri nito. Available sa: https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/dengue-and-severe-dengue. [Na-access noong Enero 2022].

4. Messina, JP. et al. Nature Microbiology. 2019;4:1508–1515. Available sa: https://www.nature.com/articles/s41564-019-0476-8. [Na-access noong Hunyo 2021].